Street Sweeper (An Introduction to the Prologue)
Dumaan pa ang ilang oras subalit ni anino mo'y hindi ko nasulyapan, bumaba na ang mga maiingay na "trainees" na madalas manigarilyo sa tapat ng gusali, na tuwina'y kasabay mo. Nakakapagtaka, mukhang hindi ka yata maistorbo sa trabaho, lumiban ka kaya sa pag pasok? Marahil may sakit ka, o baka may problema sa bahay. Sana naman ayos ka lang...
Alam mo ba, sa tingin ko ay "imbisibol" ako, kahit na suot ko ang matingkad na kulay ng berde na "neon" kung tawagin, itim na pantalo at puting de gomang sapatos wala paring nakapapansin sa 'kin. Sinubukan ko ang teorya kong ito ng minsa'y naparaan ako sa isang kumpol ng mga empleyado na tuwang-tuwang naguusap tungkol sa kanilang mga sahod at mga binabalak nilang bilhin mula rito. Hindi nila ako nakita, tuloy pa rin ang pagtaktak nila ng mga abo mula sa kanilang mga yosi na kung hindi tatangaying ng pabugso-bugsong hangin ay marahang babagsak sa "Gutter" na kanilang kinakatayuan. Siguro ay hindi talaga nila ako nakikita, hindi siguro nila alam ang hirap ng trabahong ginagawa ko. Hindi ko naman sila maaaring pag bawalan dahil sa oras na matuto ng disiplina ang mga taong 'to, ano pa ang wawalisin ko? mawawalan lang ako ng trabaho at magugutom. Tuloy lang ako sa pagwawalis, paminsan ay talagang hindi patas ang buhay.
Patapos na ang "shift" ko, pagod at amoy pawis, nag lalakad patungong entrance nang makita ko ang isang pamilyar na sandalyas, sa limlim ng umaga, suot mo ang isang sedang bulaklaking damit, kulay dilaw, nakatali ang buhok na kung titignan ay parang magulo subalit sa ganda ng mukha mo aakalaing sinadya ang ganitong ayos. Tahimik kang naninigarilyo sa tabi ng isa sa mga pundasyon ng gusaling ating pinapasukan. Kahit papaano ay na wala ang pagod ko. "Sana mapansin mo ako", bulong ng damdamin ko. "Alam mong walang mangyayari" sigaw ng isipan.
"Goodmorning Ma'am!"
"'Morning.."
"Alam n'yo po ba, bertdey ko ngayon!"
"Ah ganung ba, Happy Birthday..."
Kasabay nito ang pagtapon mo ng sigarilyo, pagtapak upang mamatay ang baga, at ang mabilis mong pag alis papasok sa isang naghihintay na taxi...
Bertdey ko ngayon...Imbisibol nga ako...
Comments
Post a Comment